Si Tommy ay isang matabang bata. Mahilig siyang kumain ng mga kendi at tsokolate. Hindi siya mahilig kumain ng mga gulay at masusustansiyang pagkain. Pawang karne lamang at mga pagkaing matataba ang nais niyang kainin.
Isang araw ay nagkasakit si Tommy at nagpatingin siya sa doktor kasama ang kanyang ina.
"Alam mo Tommy dapat mong iwasan ang sobrang pagkain ng tsokolate, kendi at mga pagkaing matataba. Ito ay magdudulot sa iyo ng sakit at lalo ka lamang tataba. Ang dapat mong kainin ay gulay, isda, prutas, itlog at mga masusustansiyang mga pagkain na magbibigay sa iyo ng lakas." ang wika ng doktor.
Ang mga ganitong usapan ay di na pinapansin ni Tommy. Maging sa kanilang bahay ay ganito rin ang naririrnig sa kanyang ama't ina.
Subalit sa kabila ng lahat ay hindi pa rin nagbabago si Tommy. Nang siya ay gumaling ay patuloy pa rin siya sa pagkain. Sa loob ng isang araw ay nauubos niya ang isang buong lechong manok na paborito niyang ulam. Nakakaubos rin siya ng isang kahong tsokolate at isang supot ng kendi.
Pigilan man siya ay gumagawa siya ng paraan upang makuha ang kanyang nais kainin. Palibhasa ay mayroon silang sariling karinderya at maliit na tindahan kaya't nangungupit si Tommy kapag wala ang kanyang ina.
Isang araw ay muling kumain nang busog na busog si Tommy. Dahil sa labis na kabusugan ay napadukdok siya sa mesa at nakatulog.
Napanaginipan ni Tommy ang lahat ng mga paborito niyang pagkain na nakahain sa isang malaking mesa.
Si Tommy ay takam na takam sa sarap ng mga nakahaing mga pagkain. Nang kanya itong lapitan ay biglang naging halimaw ang bawat pagkain.
Ang manok ay lumaki nang mas higit pa sa kanya at ito ay may dalang mahabang lubid upang siya ay sakalin. Ang tsokolate ay nagkaroon ng nakatatakot na hitsura at ito ay may mga dalang sakit at papalapit sa kanya.
Ang mga kendi ay naging insekto na lumilipad papalapit sa kanya upang siya ay kagatin. Gayundin ang ibang matatabang pagkain ay nagmistulang mga nakatatakot na halimaw. Ang mga ito ay papalapit na kay Tommy upang siya ay saktan at salakayin.
"Andyan na kami. Ikaw naman ang aming kakainin. Ha......ha....ha....ha....ha!, ang wika ng mga nakatatakot na mga halimaw.
Si Tommy ay sigaw ng sigaw.
"Huwag maawa po kayo sa akin, huwag niyo po akong sasaktan. Ipinapangako ko po na hindi na ako kakain ng mga nakasasamang mga pagkain at hindi na rin po ako mangungupit sa aming karinderya". ang pakiusap ng natatakot na bata.
Walang anu-ano ay lumapit ang kanyang ina at ginising siya. Laking pasasalamat ni Tommy dahil panginip lang pala ang lahat. Ngunit ang panaginip na ito ay nagturo ng malaking leksyon kay Tommy.
Simula noon ay kumakain na si Tommy ng gulay, isda, prutas at masusustansiyang mga pagkain. Iniiwasan na niya ang mga kendi at tsokolate. Kumakain pa rin siya ng mga paborito niyang mga pagkain subalit paminsan-minsan na lamang. Masayang masaya ang ina ni Tommy sa pagbabago ng kanyang pinakamamahal na anak.
Si Tommy ay patuloy na nagbago sa kanyang ugali sa pagkain.